Praymer sa Right of Reply Bill ng NUJP
April 23, 2009
Inilabas ng NATIONAL UNION OF JOURNALISTS OF THE PHILIPPINES
1. Ano ang Right of Reply Bill (RORB)?
Ito ang panukalang batas or Senate Bill 2150 na inisponsor nina Senators Aquilino Pimentel Jr, Ramon Revilla Jr, at Francis “Chiz” Escudero, bilang substitute bill sa SB 1178.
Sa kamara, ito ang House Bill 3306 na mula naman sa pinagsamang House Bills 162 at 1001, nina Representatives Juan Edgardo Angara at Monico Puentevella.
2. Tungkol saan ang panukalang batas na ito?
Sa original version, binibigyan nito ng karapatan ang mga tao o grupo na sumagot sa balitang lumabas sa media na pinupuna sila o pinatatamaan o pinagtsi-tsismisan.
Inoobliga ng RORB ang news media na ilabas ang sagot ng isang indibidwal, grupo, kumpanya, ahensya o institusyon na pinuna, inakusahan, o kinowt sa isang balita, pahayag, o opinyon sa dyaryo, telebisyon, radyo, internet at anupamang electronic device, gaya ng cellphone-sms.
3. Ano ang basehan ng isang tao o grupo para sumagot sa lumabas na balita?
Batay sa orginal version ng panukalang Right of Reply , sapat na basehan na ang pasaring (innuendo), tsismis, o puna sa balita para sila ay magpadala ng reply.
Sa house version, idinagdaga na kapag inabswelto ng korte ang isang akusado sa isang krimen, obligado ang media na iwasto ito.
4. Gaano kahaba ang pwedeng ipadalang reply?
Inoobliga sa RORB na ang ilalabas na reply ay kasing-haba ng lumabas na puna sa istorya.
Sa RORB version ng senado, tatanggalin ang parte ng reply na malisyoso o libelous.
Ibig sabihin, okay lang sa batas na ilabas ng dyaryo, internet, tv radyo o sms news sa cellphone, ang isang reply o rejoinder, may katuturan man ito o wala.
Ibig ding sabihin, posibleng ang lamanin ng balita ay puro reply na lang ng mga taong gustong mag-react sa kahit anong isyu basta’t hinala nila ay sila ang pinatutungkulan ng istorya.
Sa parehong version, libre ang pagpapalabas ng reply.
5. Saang parte ng dyaryo, tv, radio, website, sws news sa cellphone ilalabas ang sagot?
Kung saang parte unang inilabas ang istoryang inire-reklamo, doon ilalagay ang reply.
Halimbawa, pag lumabas ang istorya sa front page sa upper fold ng isang dyayo, doon ilalabas ang reply.
Kung sa unang gap o unang pasok ng mga balita sa tv o radio lumabas ang nirereklamong istorya, doon din ilalabas ang reply.
6. Hindi naman kaya iantala ng media ang paglalabas ng reply?
Sa Senate version, sinasabi sa RORB, dapat ilabas ang reply sa loob ng tatlong araw pagka-submit ng reply.
Sa house version naman, kailangan mabasa yan sa loob ng isang araw.
7. Paano pag hindi ginamit o inilabas ang reply?
Magreklamo sa kinuukulan, gaya ng editor, producer, news manager, publisher or head ng news department, sa ombudsman, o magdemanda sa korte.
8. Ano ang parusa sa mga lalabag sa Right of Reply Bill pag naisabatas na ito?
Sa senate version:
1st offense - P10,000
2nd offense - P20,000
3rd offense - P30,000
Kapag pasaway o paulit-ulit ang paglabag - P50,000
Sa house version:
1st at 2nd offense - parehas sa senate version
3rd offense - P50,000 at pagkakakulong ng 30 araw
4th offense - P100,000 at pagkakakulong ng 30 araw
5th offense - P200,000, pagkakakulong 30 araw at pagpapasara at pagsuspindi sa prangkisa sa loob ng 30 araw.
Ang parusang ipapataw sa 6th at paulit-ulit na offense ay yung katulad na parusa sa 5th offense.
9. May tinatawag na blocktimers- sila yung independent news and public affairs producers na nagbabayad ng renta kada oras sa isang istasyon para mailabas ang programa nila sa radyo at tv: halimbawa, The Probe Team);
Ang blocktimers ba sakop din ng bataw?
Kasama sila pero ayon sa RORB, bahala na ang Code of Ethics o regulasyon ng istasyon ng tv o radyo kung saan sila umuupa ng oras sa gagawin sa kanila.
10. Ano’ng masama o mali sa Right of Reply Bill?
Pag ma-aprubahan ang RORB, magiging batas ito na pangunahan ang mga publisher, editor o producer sa mga istoryang ilalabas nila.
Bago pa man makapag-isip ng ibabalita ang media, idinidikta na ng Right of Reply Bill ang mga balita o isyung dapat at hindi dapat gamitin.
Ang tawag dyan ay prior restraint.
Ang prior restraint o anupamang uri ng batas na susupil sa kalayaan sa pamamahayag ay ipinagbabawal sa Konstitusyon.
Kapag inutos ng batas na kailangan ilabas ang reply halimbawa sa ganitong oras o sa ganitong posisyon sa dyaryo, malinaw itong pagdidikta sa mga editor o producer ng balita.
Ang parusang krimen sa paglabag sa RORB pag ito ay naging batas– gaya ng pagbayad ng fine, pagkakakulong, pagsuspindi ng prangkisa ng media outlet at pagpapasara sa media outlet, kahit 30 araw lang– ay malinaw ding paglabag sa malayang pamamahayag;
11. Meron pa bang kwestyonableng probisyon sa Right of Reply Bill?
Sa senate version, may tinatawag na sunset clause o buhay ng batas, ang section 10 - sinasabi rito na iiral lang ang RORB sa loob ng pitong taon at pagkatapos ay mawawalang-bisa na, pwera na lang kung ituloy-tuloy ito ng Kongreso.
12. Ano ang problema sa sunset clause?
Masisilip dito ang isang posibleng motibo sa RORB:
Matatandaan na ang termino ng mga opisyales ng gobyerno ay mula tatlo (local executives, mambabatas) hanggang anim na taon (top 12 senators, pangulo at bise presidente)
Pag naisabatas ang RORB bago idaos ang 2010 national elections, halos kasabay nito ang termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.
13. Ano ang iba pang epekto o implikasyon ng pagsasabtas ng Right of Reply Bill?
Magiging puro reply ang laman balita at pag nangyari ito, kokonti na lang ang espasyo para sa mas mahahalagang balita at sponsors o commercial ads.
Dahil dito, posibleng malugi at mapilitang magsara ang mga dyaryo, online, radyo at telebisyon na protektado rin naman sa batas ang karapatan nila sa pamumuhunan.
Posibleng gamitin at abusuhin ng mga kandidato, pulitiko at taong gobyerno ang RORB para sa kanilang pansariling interes.
14. E paano naman yung karapatan ng mga tao na nasira ang reputasyon dahil pinakialaman ang pribadong buhay, trabaho o pagkatao?
Ang karapatan ng sinumang tao sa malinis na reputasyon at pribadong pamumuhay ay itinataguyod ng Konstitusyon.
Nirerespeto, sinusuportahan at prinoprotektahan ng media ang mga karapatang ito.
Kung ang repustasyon o pribadong buhay at pagkatao ng isang tao ay nakwestyon, karapatan ng apektado na bigyan siya ng pagkakataong idepensa ang sarili maski walang Right of Reply law na umiiral ngayon.
Ginagawa na kasi ng media ang responsibilidad sa taumbayan na maging patas at balanse sa pagbabalita sa pamamagitan ng pagkuha ng magkakaibang panig sa isang isyu; automatic o standard editorial procedure na ilabas ang panig ng apektadong tao o grupo.
15. Ano ang garantya na nabibigyan ng pagkakataon ang mga pribadong tao na nadedehado sa isang balitang lumabas, na maipagtanggol ang sarili at malinis ang kanilang reputasyon?
May sariling batas o code of ethics na sinusunod ang mga journalist.
May sarili at mas detalyadong code of ethics ang ilang media outfits.
16. Paano kung hindi sumunod ang mga journalist at hindi inilabas ang reply, ano ang pwedeng gawin?
Kung may reklamo o reaksyon sa inilabas na balita, maraming paraan na pwedeng gawin:
1. Pwedeng magreklamo sa mga editor o publisher ng dyaryo, online at cellphone sms; sa producer, news manager or may-ari ng telebisyon o radio;
2. Pag hindi inaksyunan, pwedeng magreklamo sa press council kung may nakatayo sa inyong lugar;
3. Pwedeng magreklamo sa mga samahan ng mga journalist o media worker gaya ng National Union of Journalists of the Philippines, unyon ng mga manggagawa sa media, Center for Media Freedom and Responsibility, at iba pa;
4. Kung hindi pa rin umubra, pwedeng magdemanda kung lumabag sa libel law (paninirang puri, walang basehang puna), contempt law (pag pumigil o humarang sa mabilis na pagkuha ng hustisya ng isang tao o grupo na may kaso sa korte), sub judice (pagsuway sa pakatakaran na hindi pwedeng talakayin sa isang balita ang merits o demerits ng isang kaso pag nasa korte na ito)
17. Sa ibang bansa ba, may right of reply law?
Sa United States of America, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang right of reply law.
Sa Europe, may mga bansang umiiral ang right of reply pero sa mga maling impormasyon or facts at hindi sa opinion.
18. Ano na ang status ng RORB sa Kongreso?
Mabilisan itong ipinasa sa senado noong June 2008 at nasa second reading na ito sa Kamara.
Sa parehong pagkakataon, hindi naimbitahan ang maraming malalaki at lider ng media industry gaya ng Philippine Daily Inquirer, GMA 7, ABS-CBN, DZBB, Inquirer.net, Philippine Center for Investigative Journalism, Center for Media Freedom and Responsibility at National Union of Journalists of the Philippines. Sa maikling salita, walang malawakan at komprehensibong konsultasyon na isinagawa ang Senado at Kamara.
Kung ang malalaking lider sa media ay hindi naimbitahan, lalong hindi narinig ang boses ng community newspapers, provincial radio at tv stations.
Nang pinaputok ng National Union of Journalists of the Philippines ang isyu ng Right of Reply, umatras sa pagsuporta nila sa ipinasang Right of Reply Bill ang maraming senador. Anim hanggang pitong senador na lang ang naninindigan para isabatas ang Right of Repy Bill.
19. Ano ang ginawang aksyon ng malaking bahagi ng media nang malaman na may panukalang Right of Reply na ipinoproseso ang Kongreso?
Nang malaman at pinag-aralan ito ng National Union of Journalists of the Philippines, agad naglabas ng position paper ang NUJP.
Inikot ng mga lider ng NUJP ang maraming media outfit para kunin ang kanilang sentimyento. Kasama sa mga binisita ng NUJP ang GMA 7, ABS-CBN, ABC 5, Manila Bulletin, Manila Times, Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Malaya, DZRH, DZBB, RMN at Philippine Center for Investigative Journalism.
Sa isang Roundtable Discussion at Unity Press Conference na ipinatawag ng NUJP noong February 10 at 24, lahat sila ay nagkaisa at tumutol sa Right of Reply Bill.
Sa unang paghaharap ng media at mga lider ng Kamara noong March 3, parehong nanindigan ang dalawang partido sa kani-kanilang posisyon.
Sinabi ng mga lider mambabatas na pinamumunuan ni House Speaker Prospero Nograles, itutuloy nila ang proseso ng pagsasabatas ng Right of Reply Bill.
Ayon naman sa mga author nitong sina Representatives Monico Puentevella at Benny Abante, inamyendahan nila ang panukala.
Marami na raw silang tinanggal na probisyon at items gaya ng mabibigat na parusa. Ganito rin daw ang ginawa ni Senador Aquilino Pimentel Jr. na isa sa author ng ipinasang Right of Reply Bill sa Senado.
20. Ngayong may mga amyenda o tinanggal na mga probisyon ang mga author sa original versions ng Right of Reply Bill, sinang-ayunan ba ito ng media at iaatras ang pagtutol sa pagsasabatas nito?
Hindi. Nanindigan ang media– ang Right of Reply Bill ay paglabag sa Saligang Batas na nagtataguyod ng malayang pamamahayag. Ito ay pagdidikta sa mga balitang ilalabas ng media.
Hindi dapat ikompromiso o amyendahan ang karapatan para sa malayang pamamahayag.
Makakasira ito sa demokrasyang umiiral sa lipunan.
Tutol ang media sa anumang amyenda sa panukalang Right of Reply dahil nananatili pa rin itong panghihimasok sa karapatan ng mamamahayag na malayang makapagbalita.
Non-negotiable o hindi pwedeng tawaran o idaan sa negosasyon ang anumang batas na sisira o magpapahina sa kalayaan sa pamamahayag.
Dahil dito, hinihingi ng lahat ng media na dumalo sa dialogue, na tuluyan nang ibasura ang Right of Reply Bill.
14. Ano ang pwedeng gawin para mapigilan ang pagsasabatas ng Right of reply Bill?
Ipaunawa sa taumbayan na bukod sa itinataguyod ng media ang right to privacy ng isang tao, maraming paraan para ang boses ng taumbayan ay mapakinggan maski walang umiiral na Right of Reply law ngayon.
Ipaalam sa taumbayan na ang isyu ng press freedom ay isyu rin nila: kung susupilin ang malayang pamamahayag, hindi mailalabas ang maraming katotohonan sa nangyayari sa ating paligid; gagawing mangmang sa katotohanan ang maraming tao;
Himukin ang mga mambabatas sa inyong lugar na wag nang ituloy ang balak na pagsasabatas ng Right of Reply Bill;
Dumalo sa mga hearing, forum o usapan tungkol sa RORB at ipahayag ang inyong posisyon;
I-text ang mga kakilala para suportahan ang panawagan ng media industry na wag ituloy ang pagsasabatas ng Right of Reply Bill;
Kausapin, sulatan, i-e-mail, i-friendster, i-face-book at i-text message ang inyong mambabatas at sabihin ang inyong pananaw sa RORB;
Kung ikaw ay kasama sa media, pumirma sa petisyon na pinapaikot ngayon sa buong Pilipinas;
Para sa ibang detalye, makipag-ugnayan sa National Union of Journalists of the Philippines, landline (02) 411-77-68, email: nujphil@gmail.com o bumisita sa www.nujp.org.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.




