DEFEND CAMPUS PRESS FREEDOM!

Home » Post Item » Di natatapos ang lahat sa paghahanap ng katotohanan’

Di natatapos ang lahat sa paghahanap ng katotohanan’

March 22, 2008

ibinahagi ni Anjo sa Bulwagang Juan Luna ng UP Baguio para sa symposium na "Hayag"

mula sa panig ng mga kabataang mamamahayag
March 18, 2008


Isang buwan at isang linggo na ang nakalipas, sa gitna ng kampanya namin para pigilan ang mga pagtaas ng matrikula sa Baguio, nang may di-kilalang tao na umagaw ng pansin sa telebisyon. Inagaw ng live news coverage ang mga pinanonood namin tuwing umaga, simula “Umagang Kay Ganda” hanggang bago mag-“Boy & Kris.”

Akala ko wala nang mas pasabog pa sa “FG told me to back-off” testimony ni Joey de Venecia na nag-front page sa maraming pahayagan (kung hindi sa lahat), kaya hindi matunog sa akin ang pangalang Rodolfo Lozada, Jr. Saka mahaba, hindi appealing. Pero nang mag-live na ang kapuso at kapamilya stations, pati na QTV, naisip ko nang, “ah, this must be something of a testimony.”

At ganoon na nga. Nagsimula na ang muling pagpihit ng kasaysayan ng Pilipinas. At malaking palatandaan ang live coverage na tulad noong Manila Peninsula Siege, Batasan at Glorietta bombing, May 14 elections, State of National Emergency, at marami pang makasaysayang kaganapan.

Malaki ang ginagampanang papel ng midya sa paglikha ng kasaysayan. Kaya nitong likhain ang opinyon ng publiko. Noong panahon na huling uminit ang network war, minu-minuto ay may statement na ipinalalabas ang dalawang istasyon; kaya kapag nagtanong ka sa mga pinoy sa labas, kakaunti ang hindi nakakaalam sa isyu. Karamihan, may pinapanigan.

Kaya nang araw-arawin rin ang balita hinggil sa isang [quote] probinsyanong intsik [unquote] na si Jun Lozada, mabilis rin ang naging tugon ng sambayanan.

Mula sa paglabas ng Senate ng arrest warrant kay Lozada hanggang sa mismong paghahanap ng Senate Sergeant-at-Arms sa kanya, nakaabang ang mga lente ng kamera, mga mikropono at mga tape recorder sa anumang kaganapan. Sa radyo nanawagan ang asawa ni Lozada nang hindi na niya mahanap o makontak ito. Nang makalaya si Jun Lozada sa kamay ng mga dumukot sa kanya sa airport at matapos kumonsulta sa mga taong simbahan, una niyang hakbang ang magpa-presscon kahit alas-dos ng madaling araw. At kahit sa ganitong alanganing oras, bumuhos ang sangka-midya-han sa LaSalle Greenhills para maghatid ng katotohanan sa sambayanan.

Itinakda ng miyda, kasama ng taong bayan na ‘di pangkaraniwan ang kaganapang ito.

Repleksyon ng isang demokratikong lipunan ang buhay at aktibong midya. Sabi ng National Union of Journalists of the Philippines, ang malayang pamamahayag ay depensa ng taong bayan mula sa panloloko, pananakot at kontrol ng mga pwersang ‘di  tumutugon sa mga pangangailangan nila.

So, bakit ganito na lamang ang pagpanig ng mga mamamahayag sa pwersang naghahanap ng katotohanan? Aba, bakit hindi? Maraming beses na rin silang naging biktima ng makasariling gawi ng mga tao sa Malacañang. Sa katunayan, ‘di na mabilang kung ilang mamamahayag ang tinarayan ni Mrs. Arroyo mismo dahil sa pagtatanong sa kanya ng political questions. Marami kung hindi lahat ng interview sa pangulo ang may pretext na economic questions only. Kapag lumampas, lagot na.

‘Di na rin bago sa atin ang pagpaslang sa kanila, kasabay ng di mapigilang pagtaas ng bilang ng political killings. Kasama rin ang maraming critical media group sa “Knowing the Enemy” powerpoint na pinalalaganap ng AFP hanggang ngayon.

‘Di makakalimutan ang record-breaking 17 libel cases na isinampa ni FG Mike Arroyo laban sa apatnapu’t anim na mamamahayag at paghamon pa ng suntukan dahil sa mga report na nagsasangkot sa kanya sa korapsyon, smuggling at iba pang katiwalian.

‘Di pahuhuli ang stint ni Magdalo boy Antonio Trillanes sa Manila Peninsula kung saan media nanaman ang napag-initan at naging biktima. Mass-arrest ng media na unang beses ginawa sa Pilipinas, for no valid political, economic, constitutional or moral reason. Palibhasa napahiya sila dahil wala silang laban at tinataboy lang ang PNP kapag nagtatangkang pumasok. Kung napanood nyo, siguradong sasang-ayon kayo na pathetic ang eksena. Hindi overkill: over acting lang.

‘Di pa nakuntento, may mga nakakatakot na warning pa na nanggaling kina PNP chief Avelino Razon at Justice Secretary Raul Gonzales na kapag hindi sumunod ang midya sa pulis sa mga katulad na operasyon, sasampahan sila ng kung anu-anong kaso. Lesson: dapat sumunod ang midya sa pulis.

Pansinin ninyo, lahat ng ito ay record-breaking. Tinalbog ang Martial Law. Pero ang tanong na nakakalimutan ng marami, normal pa ba ang ganitong sistema? Tama ba ang ganitong pamamalakad? Tama bang talbugan mo ang record ng human rights violations noong Martial Law at makalusot ng ganun-ganoon na lamang?

Kaya naman hindi na bago sa atin ang mga ginawa nila kay Lozada. Naiba lang ang biktima: isang may pera, middle class na may kotseng [quote] probinsyanong intsik [unquote]. Itinago siya sa Hong Kong aka nag-seminar sa France. Binigyan ng bribe money aka donation para makapag-relax-relax. Kinidnap siya ng dalawang di-kilalang tao aka pinrotektahan at pinasyal sa Maynila.

Hindi na bago at paulit-ulit nang pinapanawagan ang katotohanan ang katotohanan. Bakit ba truth and accountability ang popular na panawagan? Dahil ito ang ipinagkakait sa atin sa panahong ito, sa partikular na isyu ng ZTE-NBN. Ito ang ipinagkakait sa media na kapag ipinilit nilang malaman, may nakahandang consequences.

Pero kung titignan sa mas malawak na larawan, hindi natatapos sa paghahanap ng katotohanan ang dapat nating gawin. Kasabay nito, at hindi pagkatapos nito, dapat maging accountable ang mga responsableng tao. Dapat singilin ang “evil” “bitch” na kapit-tuko sa Malacañang. (Hindi sa aking galing ang “evil” at “bitch.” Sila-sila rin sa Malacañang ang nagtatawagan ng ganyan)

Mula sa PP1017 hanggang EO464 hanggang sa Executive Privilege ni Romulo Neri, lahat ay pagtatangka na ikubli ang katotohanan.

Pero kung tutuusin, alam na natin ang katotohanan. Hindi pa ba natin alam na guilty si Abalos? Hindi pa ba natin alam na may papel si FG? Hindi pa ba natin alam na kahit alam na ni GMA  na tiwali ang kasunduan, pinirmahan pa rin niya ito? Hindi pa ba natin alam na niloloko lang nila tayo? Hindi pa ba natin alam na hindi natin mai-impeach si GMA dahil kontrolado niya ang Kongreso? Hindi pa ba natin alam na tama ang pagpapabagsak kay Arroyo? Hindi pa ba natin alam na kapag idinaan natin ito sa mga papeles at legal na daluyan lang, hindi na ito matatapos?

Alam na natin. Kaya ang dapat na lang nating gawin at ang pagkukulang na lang natin ay tuloy-tuloy, sama-sama at papalakas na pagkilos ng taong bayan hindi lamang sa Maynila tulad ng gusto nilang palabasin, kundi sa buong bansa, kasama ang Baguio.

Hindi problema ang ipapalit natin dahil ang ipapalit natin ay ang solusyon, at ito ang susunod nating babantayan. #

 



 


Posted by theilocosguilder at 6:24 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment